Prinsipyo
Ang kasalukuyang Lipunang Pilipino ay mala-kolonyal at mala-pyudal, kung saan pinagsasamantalahan at inaapi ang malawak na kabataang Pilipino. Ang namamayaning kultura ay dekadente, kolonyal at pyudal kung kaya’t maging sa larangan ng sining ay malaganap din ang mga akda at likhang pawang elitista’t komersyalisado. Kabahagi ang Alay Sining sa pakikibaka ng mamamayan para wakasan ang mala-kolonyal at mala-pyudal na kaayusan – sa paggapi sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo na mga batayang suliranin ng lipunang Pilipino. Kaalinsabay ng pangmatagalang layuning ito, isinusulong ng Alay Sining ang mga kagyat na kahilingang edukasyon, trabaho, lupa, karapatan at serbisyong panlipunan para sa kabataan at sambayanan.
Kinikilala ng Alay Sining ang makasaysayang papel ng kabataang Pilipino at kabataang artista bilang isang makapangyarihang pwersang tumatangkilik at nagsusulong ng pagbabagong panlipunan. Kalakasan ng kabataan ang pagiging mapanuri at ang pagtataglay ng sensibilidad at sensitibidad ng pagkamapanlikha. Kailangang pandayin ang kalakasang ito sa pamamagitan ng ibayong pag-aaral sa kultura at lipunan at sa pakikipamuhay sa batayang masa.



